Thursday, March 13, 2025

Pangulong Duterte sa Drug War

March 13, 2025
Doha Qatar


Pagkagising ko sa umaga ay bigla na lang naglabasan sa aking feed ang balitang dinala na si dating pangulong Rodrigo Duterte sa ICC - Hague Netherland upang harapin ang kanyang kaso patungkol sa War on Drugs at mga patayan noong siya pa ang namumuno sa ating bansa. Totoong nakakalungkot ito sa panig ng mga Pilipinong sumusuporta at nagmamahal sa kanya sapagkat alam naman natin ang dahilan ng dating pangulo bakit niya gustong sugpuin ang talamak na droga ng ating bansa dahil sa pagmamahal niya sa mga taong gusto ng katahimikan. Sa kabila nito may mga pangyayaring hindi naman natin inaasahan patungkol sa Drug War ng dating pangulo. Marami ang natokhang sa drug war ang ilan ay legit na durugista na salot sa mamamayan subalit may mga taong nadamay din sa operasyon na mga ito. Nabalitaan naman natin na may mga pulis din na namatay at nasaktan kaya siya na mismo ang nagbigay ng pahintulot sa mga kapulisan na litisin ang mga taong lalaban kapag nalagay sa peligro ang buhay ng mga pulis o sundalo. Sa totoo lang hindi na ito kontrolado ng dating pangulo dahil may mga taong gagawa talaga ng iba't ibang paraan para lamang magkaroon ng butas ang polisiyang kanyang pinagawa. Mas marami ang nakinabang sa pagpuksa ng droga sa ating bansa dahil natakot ang mga kriminal na gumawa ng masama lalo na ang mga kababayan nating nalulong sa droga. Marami din akong kakilala at kaibigan na nagbagong buhay sa panahon ni Pangulong Duterte dahil sa takot sa polisiyang kanyang iniutos. 
Sa kabilang banda marami din ang nadamay dahil sa kagagawan ng iba't ibang klase ng tao, may mga nagsumbong ng maling impormasyon at mabilis na isinagawa ng kinauukulan na wala munang imbistigasyon. Isa ito sa mga maling paraan kaya madami din ang nagalit sa kanya idagdag pa natin ang mga politiko na galit din sa dating pangulo. Maraming kaaway ang dating pangulo na sinabi na niya bago pa lang siya nailuklok bilang presidente ng bansa. May mga malalaking sindikato at kilalang tao na kanyang binangga na nasa likod ng droga issue ng ating bansa. Hindi man naging lubos na matagumpay ang WAR ON DRUGS ni pangulong Duterte subalit marami ang nagpapasalamat dahil sa kabila ng prolema iron ay may isang Presidente tayo na lumaban sa napakalaking problema ng bansa.

Kaya naman marami ang nagulat sa naging aksyon ng kasalukuyang gobyerno ngayon. Sa utos lang ng banyagang hukom at Interpol ay mabilis na tumalima sa kautusan ng pag aresto. Isang nakakagulat na hakbang ang pinagawa sa pulisya upang hulihin at isuko ang dating pangulo. Nakakalungkot ito dahil may kapangyarihan naman ang isang Presidente ng bansa na maaari niyang gamitin upang pigilan ito dahil siya naman ang may kontrol ng bawat ahensya ng gobyerno. Pero iba ang nangyari base na din sa nasaksihan natin ngayong araw. Na tila bagang minadali pa ng kapulisan ang pagdadala sa dating pangulo sa ICC. Nakakalungkot dahil ayon sa pahayag ng ICC ang gobyerno ng Pilipinas mismo ang naghatid sa dating pangulo upang iprinsita ito sa kanilang hukuman. Mukhang kaparehas pa ito sa ginawa ni Judas Escaryote ng ipagkanuno niya si Kristo. Nakakalungkot talaga ang pangyayari na ito at isa ito sa naging dahilan bakit nagkakagulo ngayon sa ating bansa. Hindi ko pa din lubos maisip na dahil sa mga hindi pagkaunawaan at pagkakaisa nagkakawatak watak talaga ang bawat isa.

Bilang isang mamamayang Pilipino ay nagpapahayag din ako ng kalungkutan dahil nawala na ang salitang "PAGKAKAISA"  ng mga mamiminuno sa ating bansa. Nakakalungkot dahil madaming tao ang mas mahihirapan sa kanilang pagkakabaha-bahagi. Kung ang ating mga lider ay walang pagkakaisa maglulunsad ito ng malawakang kahirapan na makakaapekto pa sa kabuhayan ng bawat mamamayang Pilipino. Wala naman magagawa ang mga ordinaryong mamamayan kundi maghintay na lang ng mga susunod na balita. Mahirap makisawsaw sa problemang pulitikal ng bansa at wala namang magagawa ang ordinaryon mamamayan upang utusan ang mga may kapangyarihan. Para sa akin ang ganitong pangyayari ay bunsod ng galit sa isa't isa at nakakaapekto sa bawat mamamayang Pilipino. Isang malaking dagok ito sa bansang Pilipinas dahil balita na sa buong mundo na pamahalaan mismo ng Pilipinas ang siyang nagdala sa ICC Tribunal Court sa Netherland.

Sana maging maayos pa din ang kalagayan ng ating dating pangulo sa kabila ng kanyang katandaan ay pilit pa din niyang ipinaglalaban ang ang polisyang "Kung gagawa ka ng kasamaan wag sa aking Bayan." 

Haggang dito na lang muna dahil nalulungkot talaga ako sa pangyayaring ito.....😥

#apflores03 #BuhayOFW