Salamat po Ama sa bigay mong pamamahala sa amin. Totoong napakadakila ang iyong Iglesia hindi namin kayang talikuran ang aral na iyong itinuro sa amin. Kinasangkapan mo ang kapatid na Eduardo V. Manalo upang kami ay pangalagaan kahit na masakit sa kanyang kalooban na itiwalag ang kanyang mahal sa buhay dahil sa paglaban sa kanyang pamamahala.
Alam naming lahat na ito ay pawang pagsubok lamang sa aming pananampalataya. Sinusubok mo ang katatagan ng bawat isa sa amin. Inaaalam mo kung kami ba ay kaisang diwa ng iyong pamamahala.
Maraming salamat po dahil natapos ang ika-101 na annibersaryo ng iyong Iglesia na napaka luwalhati dito sa loob ng Philippine Arena hanggang sa mahigit na 1,700 live streaming site kasama na distrito ng Qatar kung saan nanonood ang aking mga kaibigang kapatid. Alam naming lahat na ito ay gawa ng inyong makapangyarihang kamay.
Ang pagsubok na aming nasaksihan ngayon na may kinalaman sa usaping pondo ng Iglesia ay sa inyo na po namin inihahabilin. Kayo na po ang bahalang gumawa ng paraan upang ito ay maresolba kung nagkaroon man problema. Hindi namin kailanman kinukwesyon ang aming naiambag dahil ito ay kusa naming handog at pagtulong sa gugulin ng Iglesia. Kitang kita naman namin ang mga resulta dahil napakadami na po ng lupa at mga kapilya na nabili nang Iglesia upang magamit sa mga pagsamba.
Sa mga taong nagsalita ng hindi maganda at nakisawsaw sa balitang mas lalo pang pinalala ng mga telebisyon at social media. Ipapanalangin na lamang namin ang inyong mga ginawa at mga sinabi. Ang Diyos Ama na lamang po ang bahala sa inyo. Ang aming paninindigan ay para sa buong Iglesia at hindi sa mga taong gustong sumira sa aming pagkakaisa.
Muli po maraming salamat sa inyo dahil mas lalo pa pong tumatag ang aming pananampalataya dahil naririyan ang isang matapat at matalinong pamamahala. Mahal po namin ang Iglesia at mahal po namin ang aming tagapamahalang pangkalahatan na si Kapatid na Eduardo V. Manalo at lahat ng mga ministrong tapat sa kanyang pamamahala.
Maligayang ika-101 annibersaryo sa inyo lahat at mabuhay po ang lahat ng kapatid sa Iglesia sa buong mundo.